Kung ngayong first decade ng ng 2000's ay usong-uso at gasgas na gasgas ang mga reality show, noong 1980's naman, usong-uso at gasgas na gasgas ang mga variety show.
Kapag accomplished ka at sikat na sikat na artista, either gagatasan ka pa ng mga handlers mo or lalong pagkakakitaan mo pa ang kasikatan mo - kaya magba-branch out ka. Pwede kang mag-producer, mag-recording o mag-direct. Kung sawa ka na sa showbiz, tumakbo ka na lang ng mayor sa probinsiya mo.
Noong 1980s, kasama sa option ng pag-branch-out ng kilalang artista ang pagho-host ng variety show.
Nakakatawa nga eh. Kasi noon, ang mga nagkakaroon ng variety show ay ang mga sikat at marami pang fans (kaya lalong pinagkakakitaan pa sila ng kanilang mga manager). Ngayon, - maliban na lang sa iilan tulad nina Joey, Vic at Tito - karamihan sa mga nagho-host ay mga batang artista na
Kung pag-uusapan ang mga variety show ng '80s, kailangan talagang banggitin ang Eat Bulaga. Nasa channel 9 pa sila noon, tapos lumipat sa 2, bago nanahan sa 7 kung saan naroon pa rin sila ngayon. Kuhang-kuha nila ang panlasa ng masang pinoy, kaya naman may Eat Bulaga pa rin ngayon na ginagaya pero hindi talaga mapantayan. Noong una, Tito, Vic and Joey pa lang 'yon, plus Connie Reyes. Nandoon din minsan sina Chiqui Hollman at Ritchie d'Horsie. Sumali si Aiza pagkatapos niyang mag-runner-up sa Little Miss Philippines. Hindi pa uso ang pa-sexbomb-sexbomb noon.
Meron ding Student Canteen sa channel 7. Hindi ko na masyadong maalala 'yon, pero parang mas pa-sosyal nang konti kesa sa Eat Bulaga kasi nag-iingles yung mga host minsan. May pagka-game show din yata 'yon.
Ang pumalit, Lunch Date - medyo pa-sosyal din, pero baduy pa rin ang kinalabasan. Ang masaya sa Lunch Date noon ang Sing-Along-Dugtong, na ginagawa nang larong libangan ng mga tao. Ang mga host noon sina Randy Santiago, Tonirose Gayda, Tina Revilla, Louie Heredia. Madalas na ekstra ang komidyanteng si Jon Santos, at dito unang nakilala si Mahal.
May mas-baduy pa nga pala na noontime show sina Richard Gomez at Joey Marquez, ang Kalatog Pinggan. At dahil nauso ang may pinagtratrabahong bata tulad ni Aiza (o matandang mukhang bata tulad ni Mahal), meron din silang nakakainis na child talent, Che-Che yata ang pangalan.
Pagdating ng linggo, nandiyan ang pamatay na GMA Supershow at ang Germs Specialna hino-host ng walang iba kundi si Kuya Germs. Kuya Germs na nakasuot ng kumikislap na Amerikanong de-kolor, kasama ang kanyang mga ghels at ang Bellestar Dancers na may mataray na production number.
Big time si Kuya Germs - binibigay sa kaniya ang weekend noontime pati na ang prime time, kasi alam ng mga producer na maraming manonod. Hindi siya nilalagay sa hatinggabi (tulad ngayon). Noon, sa weekend prime time actually nilalagay ang mga magagandang palabas, kasi given na na nasa bahay ang mga tao sa mga oras na 'yon. Although meron nang mga pa-gimmick-gimmick pag Sabado at Linggo, hindi pa 'yon ganun ka-uso. At hindi nagka-club-club ang mga bata noon.
Meron pang Superstar si Kuya Germs - sa gabi 'yon, kasama ni Ate Guy. Tignan niyo nga naman - variety show, palabas pa sa weekend prime time.
Wala sa bahay namin makapanood ng TV kapag Sabado o Linggo ng gabi dahil kailangang manood ni Mama ng mga variety show, at naalala ko pa, palipat-lipat pa siya ng channel kasi magkakasabay ang mga show sa magkabilaang istasyon. Ang palusot niya, inaabangan daw niya ang tita naming Vicor Dancer (pero totoong merong kapatid si Papa na Vicor Dancer noon, at lumalabas talaga siya sa mga variety show).
Ang reyna ng variety show ay si Ate Vi. Nagkaroon siya ng V.I.P : Vilma In Person, at maya-maya, ang Vilma! - yun ang nakalagay sa neon sign. Nung mid-8os, nauso ang paggamit ng neon sign sa stage, habang palaos na ang styro cut-out na may glitters at palara. Wala pang mga higanteng colored LCD screens (ang LCD nakikita lang sa calculator noon).
Pinauso ni Ate Vi ang dance numbers na may pabuhat-buhat. Siya din yata ang nagpauso ng production na pabawas nang pabawas ang saplot -- balot-na-balot sa umpisa, complete with glittery blazer and sash in the hair, pero sa ending, naka-tangga na lang na puro sequins.
Uso din nga pala ang bonggang-bonggang sequins noon.
Sa katapusan ng bawat show ni Vilma, hindi niya nakakaligtaang batiin ang anak niya ng "I love you, Lucky!" Naisip ko noon, kawawa naman ang batang 'yon pag pumasok na sa eskwela, pagti-tripan siya ng mga kaklase niya, "Lucky" pa man din ang pangalan niya.
Ayan tuloy, pagtanda niya, galit na galit si Luis Manzano sa palayaw niyang "Lucky".
Bukod kay Ate Vi, si Alma Moreno din sumubok sa mga dance step na may pabuhat-buhat. Although magaling si Alma sa pagsayaw, natanggap niya rin siguro na walang makakadaig kay Ate Vi sa buhat-buhat, kaya dinaan na lang ni Alma sa pagsuot ng tangga, ine-expose ang mga hita niyang malusog. Loveli-Ness ang palabas niya, every Wednesday. "I love you Vandolph" naman ang drama nito. 14344, 5254!
At doon nga pala sa palabas na 'yon napansin ng taumbayan ang talino at galing niya sa English, kaya nagkaroon ng sangkatutak na Alma jokes.
Inaabangan ko noon sa Loveli-Ness si Francis Magalona - doon siya unang sumikat na master rapper. Hindi pa uso ang rap sa 'Pinas nun, pero pinauso ni Kiko nang nabigyan siya ng break sa pag-rap ng Top Ten segment linggo-linggo.
May naalala pa akong Tonight With Dick and Carmi, kung saan Ginasgas ni Roderick Paulate ang mga kanta ni Rick Astley. Hanggang ngayon kapag nakakarinig ako ng Rick Astley sa mga retro program, si Roderick Paulate ang naririnig ko.
Kahit nga pala puro gay roles siya sa pelikula, mhin na mhin mag-host si Rhode, kaya naman nung bata ako, akala ko na mhin talaga siya at yung "gay" ang ina-acting niya.
'Pag sabado, may Maria Maria - kay Maricel Soriano naman 'yon. Inaabangan ko noon ang dance step tutorial. Naaalala ko pa ang steps na pinauso sa Maria Maria, tulad ng Swiss Boy, Rico Mambo, La Isla Bonita (usong-uso kasi noon si Madonna) . Ang"the nerd" na sinasayaw sa tugtog ng Thai Nana. Ang Body Dancer, na sinayaw siguro ng bawat bata sa elementary 'nung 1987.
Meron din si Zsa Zsa Padilla, pero hindi ko na masyadong maalala. Zsa Zsa lang yata ang pamagat.
Meron siyempre si Ate Shawie, ang The Sharon Cuneta Show, o TSCS, kung saan nasaksihan ng madla ang unti-unting paglaki niya. Sinusubukan pa nilang itago sa mga kaweirdohang costume, pero halata pa rin naman ang taba niya.
My gulay, Ate Shawie! Those clothes that you used to wear!
Paminsan-minsan, makukunan ng camera sa audience ang cute na cute at misteryosong si "megadaughter"KC - gustong-gusto siyang masulyapan ng mga fans, dahil pruweba siya ng Sharon-Gabby loveteam na kina-kiligan nila noon.
Marami ding variety show na pang-teen ager. May Lotlot and Friends, ang palabas ng anak ng superstar na si Nora Aunor. At tila walang patawad, may isa pa si Lotlot na hindi ko maalala ang pamagat, kung saan kasama si Kuya Germs. Kung tutuusin, kung hindi lang siya anak ni superstar, wala naman talagang karapatan si Lotlot maging artista noon (pero medyo magaling na siyag umarte ngayon, in fairness), at lalong lalo na ang mga friends na kasama niyang mag-host.
May Teen Pan Alley sina Janno, Regine at Bing Loyzaga. Sumikat si Regine nang manalo siya sa Tanghalan ng Kampeon. Cute na si Regine noon, although iba pa ang ilong niya (kung gusto mong makita ang dating ilong ni Regine Velasquez, i-search sa You Tube ang Beautiful Girl ni Jose Mari Chan). Natigil yata ang show after nabuntis ni Janno si Bing. Nakakagulat 'yon, kasi ang alam ng madla, si Janno at si Manilyn. Oh wellz.
At huwag kalilimutan ang waging-waging That's Entertainment ni Kuya Germs - Monday to Saturday - kung saan sumikat ang maraming artista at recording artist. Magaling ang Thursday group, palaging nananalo. 'Dun natin nakita si Sheryl Cruz na may pa-cute na pa-kaway-kaway, at si Casselyn Francisco na trying-hard kumanta kaya nakakapagtaka kung paano nakapasok yon sa Miss Saigon.
Naalala ko pa may mga variety show din na pambata, isa na doon ang hinost nina Aiza Seguerra, RR Herrera et al. Wala talagang patawad, 'no?
Pagdating ng gabing-gabi, wala pa ring tigil 'yang mga variety show na 'yan. Meron pang Penthouse Live nina Martin Nievera and Pops Fernandez. Napalitan 'yon ng M.A.D. o Martin After Dark. Tinapatan naman ni Edu Manzano sa Not So Late Night With Edu. Meron pang Oh No, I'ts Johnny ni Johnny Litton. Parang gumaya lang naman sa format ng The Tonight Show.
Opening song and dance (o music video) + pagbati ng host + special guest numbers + mga kung-anu-anong game na mag-aadvertise sa produkto ng mga sponsor + pa-contest + joke time + pagbati sa katapusan. Ginagamit pa rin ang formulang 'yan ng mga natitirang noontime show ngayon. Kung ano man yon, salamat naman at hindi na ganun karami ang mga variety show.
At least mas madaling sikmurahin ang mga kalokohang reality show kesa sa mga production number na pamatay sa sequins.