back when i went to school with the kamikazee guys

Kakakita ko lang sa kanila sa game show kaninang umaga. Tapos nakita ko sila ulet sa commercial. Tapos narinig ko ang kanta nila sa kinainan kong restaurant. Tapos, pag-uwi ko, nag-check ako ng Facebook at sinendan nila ako link para sa bago nilang music video.

Sikat na talaga sila ngayon, at big-time na sila. Who would have thought?


Dati kasi, mga kaeskwela ko sila.

1999 noon, nung na-form yung banda nila. Hindi ko alam kung paano, basta nalaman ko na lang na may banda na yung magkakaibigan. Sa UP Fine Arts kasi, bisyo ng mga estudyante doon gumawa ng banda. Araw-araw yata may bagong bandang nabubuo (Bisyo din namin ang mag-jamming at magsulat ng kanta during class hours, at mag-drawing ng kung-anu-ano sa pader, dahil madalas nawawala ang mga guro).

Isang araw sa computer lab, gumagawa ako ng plate ko sa Photoshop 5. Photoshop 5 pa lang noon. Nasa kaliwa ko ang kaibigan kong si Larry, at nasa kanan ko ang kaibigan niyang si Puto, tumitingin ng porno (hindi ko kini-criticize ang gawain niyang yun, kinukwento ko lang). Yung porno dala niya sa diskette; wala pang portable USB noon. Hindi ko maalala kung kaklase talaga namin si Puto or kung nakikigamit lang siya ng computer, basta alam ko kaibigan siya ni Larry (Sa College of Payn Arts kasi, iniiwan-iwan lang kami ng mga teacher, at libre kaming gumala-gala at lumabas-pasok sa klase nang may klase, kahit during class hours. Normal lang noon na may kasama ka sa classroom na hindi namin kaklase).

Sa araw na yun, biglang may pumasok na maingay at nakipagkwentuhan. Nandun lang sila sa tabi ko, at mga kakilala ko naman sila, so medyo mahirap na hindi sumali.

Si Roel pala yung dumating, ka-batch namin. May dala siyang drawing na pinagkakaguluhan - mga caricature ito ng iba pa naming mga ka-batch, kasama si Puto. Tinignan ko yung drawing - makulay at mahusay ang pagkakaguhit, parang pang-jacket ng demo CD. "May bagong banda na naman?," sabi ko.

Kuhang-kuha yung mga itsura nila, makikilala mo talaga yung mga taong naka-drawing, lalo na si Puto kasi kulay pula na may stripes yung buhok. Nakilala ko rin ang mga mukha nina Led at Hec. Kasama rin doon sina Allan at Jomal, na noon ay may iba pang banda. Ang tawag sa bagong grupo ay Kamikazee Kornflakes (obviously, gusto nila ang grupong Korn); nu metal yata ang trip nila.

Sa dinami-dami ng mga banda sa amin noon, hindi ko akalain na tatagal at sisikat ang bagong banda nilang yon.

Naka-ilang gig ang Kamikazee Kornflakes, pasama-sama lang noong una sa Parokya ni Edgar na sikat na sikat na by that time. Dinadala sila ng Parokya sa mga gig, dahil ayon kay Hec, "tuwang-tuwa" daw sa kanila si Chito (vocalist ng Parokya, na isa rin naming kaeskwela). Doon sila unti-unting nakilala at nagkapangalan.


Si Hec: Ang original na vocalist

Wala masyadong nakakaalam, at hindi ko alam kung may nakakaalala pa na ang unang vocalist ng Kamikazee Kornflakes ay si Hector. Ibang-iba siya sa kasalukuyang vocalist na si Jay. Medyo pa-poging athlete ang dating ni Hec, habang si Jay naman rocker na rocker na may artist effect. Pero pareho silang makulit na may bastos na humor.

Kinailangan iwanan ni Hec ang banda noong 2000, kasi graduating daw siya. Medyo hindi ko yun ma-gets, kasi lahat naman sila graduating 'nun.

Some time ago, tinanong ko si Hec kung pinangsisisihan niyang iniwan niya ang Kamikazee ngayong sikat na sila. Ang sabi niya, hindi daw talaga. Hindi niya siguro type ang rock-and-roll lifestyle.

Nothing against Hec, pero mukhang masmabuti na naging vocalist nila si Jay. Napaka kuwela at napakaharot kasi ni Jay, bagay na bagay na frontman, at siya talaga ang nagdadala sa banda.


Si Jay

Noong mga freshman kami, akala naming lahat na schoolmate namin yung kulot na maloko na laging naka-tight fit na T-shirt at bell-bottom jeans. Inisip namin na taga-doon siya sa ibang block; akala naman ng ibang block taga-amin siya. Yun pala, ni hindi namin siya ka-eskwela. Nakiki-tambay lang pala siya sa college namin pag tapos na ang klase niya. Malupit talaga ang tambay hours niya para akalain namin na studyante siya doon. Nakiki-gawa pa nga siya ng mga plates namin.

Una ko siyang nakilala 'nung first year first sem, sa street-painting contest na sponsored ng isang sorority. Ka-team ko ang tatlo sa mga ka-block ko, at katabi namin sa kalsada ang mga taga-Industrial Design block na bitbit si Jay. May dala siyang alagang lizard na tinali niya sa poste sa tabi ng daan (namatay din noong gabing iyon; natapakan). Ang team nila ang nanalo ng Third Place dahil nilalandi nila yung mga sorority girls.

May negosyo si Jay noon na buy-and-sell ng mga exotic pets (ahas, sawa, daga, lizard, iguana, etc). Bibili siya sa Cartimar, tapos ibebenta niya sa school - so panay ang baon niya ng kung-anu-anong hayop.

May kwentong barbero siya nung minsan na bumili siya ng ahas sa Cartimar, pati ng daga at sisiw na ipapakain sana sa ahas. Nag-tricycle daw siya papunta sa sakayan. Pagbaba daw niya ng trycicle, wala na yung sisiw. Tumawag siya ng taxi at sumakay. Pagbaba, daga na lang ang dala niya at may kawawang driver na may ahas sa taxi.

Dahil madalas siyang may dalang iguana, tinawag ko siyang "Iguana Jay", para ma-differentiate siya sa ibang mga Jay ang pangalan; ang dami kasi nilang Jay sa FA noon.

Mas bumenta ang isa pang nickname na binigay ko sa kanya: "Jay Becklog". Madalas niya kasing suot ang white T-shirt na pininturahan niya ng malaking oblong at ni-label na becklog.

Tinawag ko siyang Beck for short. Tinawag niya naman akong Goth kasi mukha daw akong mangangain ng bata.

'Nung third year na kami, nag-enroll na siya sa ibang school, so bihira na namin siyang makita, pero nag-stay in touch pa rin siya sa amin.


Si Led at Si Puto


Hindi ko sila actually naging kaibigan , pero kilala ko sila dahil ka-college ko sila. Madalas ko silang makita at maka-tambay dahil kabarkada sila ng mga kaibigan ko. Madalas din silang dumadalaw sa classroom namin.

Si Puto noon pa may reputation na kwela. Jason ang totoo niyang pangalan, pero nagsimulang tawagin siyang "Puto" noong Summer Art Workshop (bago mag-first year). Medyo feeling chicano sila noon eh.

Si Led naman, reputation niya pogi boy. Medyo heartthrob siya na iniiyakan ng isang kaklase ko dahil may girlfriend siya na super ganda. Clean-cut siya noon at wala pa siyang mga tattoo o hikaw. Led Zepplin ang totoo niyang pangalan, mula sa sikat na banda noong taong ipinanganak siya (Sa pagkakaalam ko, silang lahat ng mga kapatid niya, ipinangalan sa mga rock artist. Astig din kasi ang tatay niya, isang sikat na photographer).


Si Jomal

Si Jomal naging ka-batch namin dahil sa isang sadistang Prof na ayaw siyang patawarin sa isang subject. Naging kaklase ko siya sa subject na yun. Bago ko siya nakilala, nakikita ko lang sila ng barkada niya na patambay-tambay at nag-iingay. Tawag sa kanila ng higher batch, "Istorboys", dahil super kulit nila at nakaka-istorbo during class hours. Tumino lang sila nung isa-isa na silang nagkaroon ng mga girlfriend na super ganda.

Nung nakilala ko si Jomal, mabait naman pala, at sensitive din. At lalo akong natuwa sa kaniya nung binara niya yung class kupal namin.

Naging supplier ako ni Jomal ng styling gel (wala pang hair wax o clay noon). Nung college kasi, pareho kami ng hairstyle - super ikli na kailangan lagyan ng gel. Nag-iiwan ako ng supply ng gel sa locker (yung cheap lang na brand, para hindi nakakapanghinayang kung may humingi). Nung nalaman ni Jomal na may gel ako sa locker, hindi na siya nagbaon ng sarili niya at humihingi na lang sa akin.

Nung 1999 nag-decide ako mag-quit sa paninigarilyo dahil gusto kong mamuhay nang kalugod-lugod sa Diyos (yehehesssss!). Hindi ko pa alam noon na last yosi ever ko na yon nung July 1999, sa back-to-school concert sa College of Fine Arts. Ang kahuli-hulihang yosi ko, nanggaling kay Jomal. Ang buhay estudyante, medyo tag-hirap, so medyo share-share din ang mga magkakaibigan sa bisyo; karaniwan lang sa amin ang nagshe-share ng yosi (kung ngayong mga can-afford na kami at babalik-tanawin namin ang pagsasalo ng dalawa o tatlong tao sa isang sigarilyo, medyo kadiri pala, haha). Nung gabing yon, ilan kaming nanonood ng programa mula sa likod ng studio, nakaupo sa kahoy na hindi dapat inuupuan. Tinabihan ako ni Jomal at nakipagkwentuhan. Naglabas siya ng yosi at sinindihan, at inabot niya sa akin. Huling yosi na niya iyon para sa gabi, at huling yosi ko na para sa buong buhay ko. Kung tutuusin hindi naman kami ganun ka-close pero dahil lang doon hindi ko siya makakalimutan.


Si Allan
Wala pang mga tatoo si Allan noon, pero astig na siya. Hindi pa siya skinhead, in fact long hair siya noon. Yung buhok niya kinaiinggitan ng mga babae dahil super-straight na parang ni-rebond, pwedeng pang-shampoo commercial. Nakilala siya sa college namin bilang mahusay na drummer; marami siyang mga banda, kabilang na ang ilang death metal band, at isang showband.

Si Allan, a.k.a. Bords, never ko naging kaklase, pero madalas ko siyang ka-tambay at kainuman noon, at nakakasama sa mga out-of town barkada gimmick. For some reason, madalas kaming nag-aaway ni Allan - pero mabilis rin naman kaming pinagbabati ng iba pa naming kaibigan. Sa kanya ko unang narinig yung mga salitang "Nakakalalake ka na ha!", dahil yun yung lagi niyang sinasabi sakin kung gusto niya akong suntukin dahil sa pikon pero alam niyang hindi dapat siya pumapatol sa babae. Merong isang beses na ako ang nanuntok sa kanya; buti na lang gentleman siya at nag-walk-out na lang. Pero nakakatakot actually kaaway si Allan kung lalaki ka, kasi ang laki niyang tao at sanay siya sa away-kanto. Na-witness ko na siyang mambugbog ng upperclassman - as in, bugbog.

Naalala ko pa yung isa sa mga away naming saksakan ng babaw, naganap nung first sem ng second year. Seryosong pikunan, pero comedy ang kinalabasan:

Allan: (Nag-drawing ng truck para sa isang plate; kinulayan ito ng yellow-green at violet)
Me: Ayus yan ah, parang Constructicon.
Allan: (Gulat) Alam mo yun?
Me: Oo naman. Nanood naman ako ng TransFormers nung bata ako 'no. Diba kalaban nila yung Dinobots? Anim sila, tapos fino-form nila si Devastator. "I. Am. Devastator!"
Allan: Lima lang sila.
Me: Anim.
Allan: Lima!
Me: Anim kaya no!

Allan: P*#@, lima lang! Shut up! Hindi mo alam yun dahil babae ka at puro Rainbow Brite at Care Bear lang ang alam mo!

Buti na lang na sumingit ang classmate namin na si Ace (na isa na ngayong direktor, at siyang nag-direct ng ilan sa mga video ng Kamikazee) at sinabing, "Anim. Isa pa yung sa ulo!" Eh di tama ako. Ako naman diniin ko pa.

Last year lang, nagka-reunion kaming magkakaeskwela. Naalala namin ni Allan na panay ang away namin noon, pero hindi na namin maalala kung ano ang mga pinag-aawayan namin. Ang naaalala ko, madalas na ko ang may kasalanan ... kung iisipin, maldita nga yata talaga ako at marami akong mga nakaaway na ka-eskwela, pati na mga guro. hee hee hee :p Buti na lang mature na kami ngayon at tinawanan na lang namin ang mga bagay na yon.



Pagkatapos ng college, hindi na ako nakapag-stay in touch kahit kanino, maliban na lang nung nagkaroon na ng mga social networking sites. Nakita ko na lang isang araw sa Myx ang isang live performance nila ng Chinelas. Nakilala ko agad si Jay noong nakita ko siya sa TV, bago ko pa man nakita yung nakalagay na Kamikazee sa ibaba ng frame. Nagtaka ako kung bakit Kamikazee na lang at nawala ang Kornflakes. Nagtaka rin ako kung anong nangyari kay Hec, pero naliwanagan rin ako nung mag-lunch kami nina Hec at Larry isang araw sa Makati noong 2003.

Nung nag-aaral pa kami sa UP, nakahingi ako ng mga drawing mula sa mga ka-eskwela ko. Remembrance kuno, pero pagkatapos ng ilang taon tinapon ko rin noong nagligpit ako ng bahay. Kung alam ko lang na sisikat sila, sana hindi ko na lang tinapon para may collectors' item kunwari ako. Hindi ko naman kasi naisip na ang isang banda 'yon na basta-basta lang binuo ng ilang mga magkakaibigan ay papatok sa masa balang araw.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...