Ang dami yatang ingay tungkol sa mga j3j3mOn ngayon - mula sa balita, sa mga comedy show hanggang sa pag-Twitter ni Justin Bieber. At affected na affected ang CHED sa kanilang mali-maling spelling. Jejemon na ang bagong jologs.
Pero hindi tungkol sa mga jejemon ang post na ito. Gusto ko lang balikan ang "jologs".
Una kong narinig ang salitang jologs noong mga 1994 o '95, mula sa kaibigan ko na nagme-metal-metalan noon. Tawag niya sa mga hiphop na squatter, jologs.
Walang nakatitiyak kung saan o paano nagmula ang salitang jologs. Sabi sa Urban Dictionary, daing + tuyo + itlog daw yon, pero tingin ko mali kasi wala namang "s" ang itlog.
Mas maniniwala pa ako sa theory ny pinsan ko, na ang jologs daw ay mula sa pangalan ni Jolina, at tumutukoy sa mga masang tumatangkilik sa kaniya.
Ayon naman sa kaibigan kong dating hiphop na sosyal, pinuna daw kasi ng mga bading ang mga trying-hard magpaka-hiphop, at sabi nila in gay linggo, "Naju-jologs ang jantalon nila" (translation: "Nahuhulog ang pantalon nila").
Sumikat ang salitang jologs it ginamit ito para tukuyin ang tao, lugar o bagay na baduy o maka-masa. Naalala ko pa na may test na umiikot sa e-mail na How Jologs are You? (wala pa kasing FB noon), na puro tanong tungkol sa That's Entertainment at mga Pinoy movies.
Naging pamagat pa yun ng isang pelikula ng Star Cinema, tampok ang mga sikat na mga batang artista. Wala namang kinalalaman sa jologs.
Ngayon, tulad ng salitang "bakya" at "baduy", parang nawawala na rin sa uso ang salitang jologs, na tipong pag ginamit mo magmumukha ka nang matanda. Kasi nga, jejemon na daw ang bagong jologZzz.